Ewan ko ba kung bakit magkakapareho ang mga reaksyon ng mga kakilala ko tuwing sinasagot ko ang tanong nila. Ang simple lang naman ng sagot ko, "hindi pa ako nakapunta don eh...bakit?"
sarcastic na tono, shocked kunwari, na may halong pang aasar> "HUWAAAAAAATTTT?!!!!! Hindi ka pa nakapunta don?? HUWAAAAAAATTTT!!!"
Teka teka teka. Ano bang problema? Kailangan ba sa pagiging tao ang pagpasok don? Kung makakapunta ako doon masasala ba ang mga pagkakasalang nagawa ko? Mababawasan ba ang mga utang ko? Lalo bang dadami ang mga babae at baklang nahuhumaling sa akin? Yayaman ba ako? Hindi naman diba? Anak ng pinatuyong tupa! Starbucks lang yan! Sabi kasi ng iba, pag nag Istarbaks ka raw sosyal ka. Pasensya. Ako po ay isang simpleng mamamayan lamang. Isang kahid isang tuka lang ang pamilya ko. Walang permanenteng tirahan. Isang beses lang kumakain sa isang araw, minsan wala pa. Anak-dalita, anak-mahirap, anak-lupa, anak-araw, anak ng p**a. Kaya hindi ko na pinalampas nang magkaroon ng pagkakataong makabisita kay sirenang naka korona na may dalawang buntot. Kahit na may pagkakatulad ang logo niya sa isang motel, hindi naman ako nagkamali ng pinasok. Buti na lang. Sinigurado ko na maganda ang suot kong damit pagpasok don. Ayoko namang mapagkamalan akong pulubi na nakikimesa sa mga customer sabay mamamalimos ng awa. Sinigurado ko rin na plantsado ang buhok ko, bagong re-touch, bagong pabango at higit sa lahat, maraming dalang pera. Sa labas pa lang, kita na agad ang sosyal na hitsura ng loob ng istarbaks. Makikintab na mesa, walang gasgas na silya, ilaw na bonggang bongga at pasosyal na guwardya. Pagbukas ng salaming pinto, umalingasaw na agad ang amoy ng kape. Mas mabango kaysa sa 3-in-1 na tinitimpla ng lolo ko. Kapansin-pansin din ang dami ng tao. At sa hitsura nila, mahihinuha mo na agad ang estado nila sa pamumuhay. Pag-upo ko nilasap ko na agad ang pagiging feeling mayaman, nakikisabay sa mga taong nasa paligid ko habang sinisipsip nila ang kapeng imported. Dito, hindi pwede ang pandesal. Pwede kang mamili sa mga cake, tinapay na sinlaki ng platito, o kaya sa walang butas na donut. Hindi rin uso ang kuripot dito dahil mapapamura ka sa mahal ng presyo. Hindi ko lang alam kung bakit ba inaabot ng matagal na oras ang mga tao sa pagkakape sa istarbaks. Para sa isang tasang kape, aabutan pa sila ng langgam bago pa ito maubos. Iniisip ko kung dahil ba sa mga hawak nilang babasahin, mapa dyaryo man yan, magazine o libro kaya antagal nila ubusin ang kape nila. Dapat maunang maubos ang iniinom nila bago matapos ang binabasa kundi wala nang dahilan ang pananatili nila sa loob. Naisip ko rin na baka pinapalamig muna ng iba yung kapeng in-order nila bago simulang inumin. Napansin ko rin ang ilang estudyante na nag-aaral sa loob. Mas maganda sana kung may library kay istarbaks, para hindi lang pakitang tao ang mag-aral dito. Dahil kung sa library ka ng eskuwelahan mag-aaral, walang coffee, tatak istarbaks. Kung wala ka ring pang-internet, patok ang wifi dito. Libre mong mabibisita ang blog ko. Yun nga lang, bring your own PC. Sa kabuuan, naging masaya ang perstaym ko na makapag-istarbaks. Na-enjoy ko naman ang inuming binili ko. Yun nga lang, hindi ko na alam kung kailan ako makakabalik dito.
excerpt from king deddyrich's blog
Wednesday, April 9, 2008
STARBUCK
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment